Skip to content

Alam mo pa ba kung paano babalansehin?

Sa buhay na tinatahak ng isang kabataan ngayon, hindi na madali. Bakit?

Walang makakapagsabi. Walang may alam. Pero, maaari tayong manghula.

Marami kasi sa mga kabataan ngayon kaliwa’t kanan ang problema. Intindi rito, intindi roon. Isip dito, isip doon. Minsan, hindi na nila alam ang gagawin nila kaya kung anu-ano na lang pumapasok sa isip nila na gusto na nilang gawin kaya lang natatakot sila.

Karamihan sa kanila, problema ay pamilya. May sitwasyon na siya mismo ang nagdudulot ng problema kaya sa sarili niyang pananaw wala na siyang kwenta. May sitwasyon naman, isa sa miyembro ng pamilya niya ang nagdadala ng problema sa kanila, hindi niya alam kung bakit siya naaapektuhan pero sarili niya mismo ang nasasaktan sapagkat wala siyang nagagawa upang malutas ang mga masasamang bagay na dinudulot ng taong yun sa kanila. 

May sitwasyon din, puro pag-ibig ang kadalasang iniintindi. “Heart broken” sa Sabado, May kapalit sa Linggo. Heart broken ulit sa Lunes, may papalit na naman sa Martes. Isang Linggong Pag-Ibig ba? Dahil tuloy diyan sa mga iyan, nawawala na sa wisyo ang mga isip nila. Kung anu-ano na lang natututunanan kaya kadalasan hindi na alam ang uunahin nila.

Pamilya, Pag-Ibig. Subukan natin pagsabay-sabayin ang mga ito. Kumbaga sa Maikling Kwento, pagsama-samahin natin ang mga mahahalagang detalye sa maikling panahon lamang.

Sa kabila ng mga iniisip nilang ‘yan, mayroon pa silang iniintindi sa kabilang banda. Hindi lang Pamilya, hindi lang Pag-ibig. Isama pa natin sa maikling kwento ang kanilang pag-aaral.

Sabi ng mas nakakabata sa akin na nagtanong ng tungkol sa Maikling Kwento. Bakit daw mahaba? Samantalang MAIKLING kwento nga.

Sige. sasagutin ko.

Mahirap bumuo ng Maikling Kwento. Mahirap idetalye ang bawat problema sa maikling panahon lang nangyayari. Kaya lang, para mas maganda ang kalalabasan ng kwento, kailangan ipaliwanag nang mabuti sa paraang detalyado. Kung saan lahat ng gusto mong sabihin ay nandoon.

Parang problema ng kabataan na sabay-sabay. Mahirap din. Kaya lang, kailangan isa-isahin ang pag-intindi sa bawat problema para isa-isa silang nasosolusyonan. Para sa huli, maganda ang kalalabasan.

Hindi ‘yung sabay-sabay na nga ang nangyayaring problema, sabay-sabay mo rin silang iniisip. Mahirap naman talaga iyon. Nakakabaliw. Nakakainis. Hanggang sa dumating sa punto na hindi mo na alam ang gagawin mo sa buhay mo at gusto mo na lang matuldukan para matapos na.

Mas maganda rin kung matutunan natin ang salitang “balanse”. Hindi naman mahirap. 30% problema sa bahay, 30% sa ibang bagay at 30% sa pag-aaral. Ang natitirang 10%, ilaan mo na lang sa pag intindi sa sarili mo.

Matatapang naman tayong mga kabataan. Hindi naman tayo padadaig sa mga sitwasyon na nahihirapan tayo. Ang isipin lang natin ngayon, kahit na ano pang problema ang sunod-sunod na dumating sa’yo, tuloy lang ang buhay. Dadaan lang ang mga iyan na parang langit na kumulimlim, pagkatapos ay liliwanag na ulit. Lagi rin tandaan, huwag itong tatakbuhan dahil hahabul-habulin ka nito hangga’t ‘di mo ito nasosolusyonan.

 

 

Hindi ba parang… Cybercrime rin?

Sa napakamoderno nating panahon, hindi naalis sa atin ang pagkahilig sa pagpopost ng kung anu-ano sa kahit anong social website sa Internet. Sobra tayong nahumaling sa sari-saring nakapost sa internet na pinaghalo-halong pahayag, mga larawan at mga videos na hindi naman kailangan panoorin at tignan. Mukha naman na tayong nasobrahan sa pagkamoderno dahil kung anu-ano na lang din ang ating mga natututunan.

Mainit na pinag-usapan sa mga panahong ito ang tungkol sa Republic Act No. 10175 o mas kilala sa tawag ng karamihan bilang Cybercrime Prevention Law. Ngayon, ano nga ba ang naipanukalang batas na ito? Para saan at bakit kailangan itong ipatupad? At ang tanong na kailangan masagot, bakit maraming tao ang sumasalungat sa kagustuhang ipatupad ang batas na ito?

Cybercrime Law. Sa aking pagkakaunawa, ang batas na ito ay may layunin lamang na tapatan ng pagpaparusa ang mga krimeng naisasagawa sa pamamagitan ng internet. Maraming nakapost sa internet na puro paninirang-puri sa mga may matataas na personalidad, mga makabalastugang larawan at video gamit naman ang iba’t ibang social networking sites tulad ng Facebook at Twitter. Para na rin hindi na kumalat ang mga ito, mas minabuting pag-usapan ang tungkol sa batas na ito.

Karaniwan ding sakop na krimen sa internet ay ang cybersex, pornograpiya na umaabuso sa mga kabataan dahil sa madalas na panonood nila ng mga ito, pagnanakaw ng pagkakakilanlan at ilegal na paggamit ng datos sa cyberspace. Napakaraming biktima ang matutulungan ng nasabing batas ngunit marami rin ang maaaring mabiktima nito. May malilinis at magagandang naisin ang batas na ito laban sa mga krimen sa internet ngunit may probisyong ginawa rito na may posibilidad na mawalan ng boses ang mamamayan sa pagpapahayag ng sarili dahil kung sa halimbawa ay maghayag ka lang ng maituturing na nakasisira sa imahe ng kapwa sa pamamagitan ng Facebook at Twitter ay maaari ka ng kasuhan.

Nakakatakot ang batas na ito para sa atin kapag ito ay napatupad, aminin man natin o hindi. Bakit? Dahil may mga tao na natatakot na ring magpost sa internet dahil baka sa isang mali lang nila ay makasuhan na agad sila. Parang naidudulot na talaga ng batas na ito na mawalan ng bisa ang kalayaan natin sa pagpapahayag ng sarili at pagpapahayag ng nais nating sabihin. Para na rin tayong nakakulong sa ating kwarto nang nakatunganga at wala ng masabi dahil lang sa batas nila. Ipinagkakait nila ang mga bagay na mayroon tayo. Ito ang dahilan kung bakit maraming tao ang tumututol sa batas na ito.

Totoo at tama nga sila. Sabihin na nating maraming biktima ng krimen sa internet ang matutulungan talaga ng batas na ito. Ngunit paano na lamang ang mga inosenteng tao na malinis ang mga salita at kilos nila sa paggamit ng internet? Ibig sabihin kapag narumihan ng isa ay narumihan na rin ng lahat? Mawawalan na talaga kami ng kalayaan sa gusto naming sabihin. Katulad nitong artikulong ito, kapag may mali ba akong nasabi ay makukulong na ako? Ang gusto lang sana mangyari ng marami ay kahit paano ay magkaroon pa rin naman ng kalayaan ang mga inosenteng tao sa mga ipapahayag nila at hindi idadamay sa narumihan ng iba. Ang mga taong ito ang may pag-iisip na isa sa mga karapatang pantao ang maipahayag ang sarili sa pamamagitan ng internet. Ngunit dahil sa batas na ito, mukhang mawawala na ang karapatang ito sa amin. Hindi ba parang ang Cybercrime rin ay tila nagnanakaw ng sarili naming karapatan? Marami na ang naipagkait sa amin noon, dadagdag pa ba ito?

Isa lang akong mag-aaral. Sa edad kong ito na nag-aaral sa hayskul, kapag patuloy na umarangkada ang batas na ito, para na ring ipinagkait nila sa akin at sa ibang katulad ko na nasa hayskul ang mga nais din naming matutunan gamit ang internet. Sana ay makita nila at maintindihan kung gaano kagustuhan ng marami na huwag na ito ipatupad pa, dahil ito na rin ang nagsisilbing tumutulong sa amin upang may mapatunayan pa.

Sa Likod ng aking Akda

Mabagal matapos ang ginagawang akda kung mayroong nilalaman ang damdamin na puro halos sinanay ng pag-ibig.

Maraming nagsasabi at kabilang ako na maraming bagay sa mundo and sinanay ng pagmamahal. Halos lahat ng aking akda ay puno lamang ng hinanakit at tila baga’y walang masasayang pangyayari sa aking buhay.

Noong unang gumawa ako ng tula, akala ko ay isa lamang itong walang kwenta kung ipapabasa ko pa sa iba. Sinubukan ko lang namang ibuhos ang aking hinaing at pagtapos no’n ay wala na lang iyon sa akin. Tinuturing kong patapon ang papel na pinagsusulatan ko no’n tapos ay babasahin ko pa ang nilalaman at mas lalong walang kwenta kung ipapabasa ko pa sa kanila na puro ‘ano naman?’ ang sasabihin nila.

Labintatlong taong gulang palang naman ako noon. Wala pang pakielam sa mundo at sa mga bagay na dapat inuuna bago ang kalokohan. ‘Yung tipong ‘pag pinagawa ka ng isang bagay, itatabi mo lang muna pagkatapos ay gagawin mo kung kailan malapit na ang pasahan. Mabuti ‘yun, marahil walang iniisip na problema, kaya mas pinipiling tamarin kapag sa oras ng gawain.

Seryoso na ako sa mga ginagawa ko simula nang dumating ang kaibigan ng ‘bestfriend’ ko. Nasa ikalawang taon na ako. Ganun pa rin ako noong una, ikalawang buwan. Ngunit sumipag ang katawang lupa ko noong inudyok niya akong ‘dapat ganito at dapat ganyan’. Sa pagkakataong iyon, hindi mo naman alam kung ano ang dapat maramdaman mo. Ang alam ko lang sa sarili ko, bigla lang ako nagbago.

“Pinagsasabihan mo ako,                                                                                                               Naiinis lang ako                                                                                                                                  ‘Pag sinulyapan ako                                                                                                                         Nahuhulog ako.”

Pare-pareho nating alam kung ano ang ibig sabihin ng kapag tayo’y nagsusulat at nangingiti habang ito’y ginagawa, mayroong nag-iisang dahilan kung bakit ganun na lamang ang nangyayari.

Kung dati walang kwenta lamang sa’kin ang pag-gawa ng akda at walang kwenta ang pagpapabasa ko ng mga ito sa iba, hindi ko alam kung bakit ngayon ay nabago ang sarili kong pananaw at naging kapaki-pakinabang sa’kin ang lahat ng ito. Alam ko siya ang dahilan nito. Kapag pinapabasa ko ang mga ito sa kanila, walang humpay ang ngiti ko kapag nakikita kong nararamdaman nila ang mga sinusulat ko. Paulit-ulit pa akong nagbibigay ng kuwento kahit na ayaw na nila akong pakinggan dahil hindi na sila halos makasingit sa isang oras kong pagkukwento sa kanila.

Hinahanap-hanap ko siya at sa tuwing makikita ko siya ay magkakausap kami ng kaunti at magpapalitan ng ngiti. Sinulat ko ulit ang mga masasayang pangyayaring iyon sa aking ginagawang mga sulatin, tula o kung ano pa. Doon, napagtanto ko na magkakaroon ng silbi ang pagsulat ng akda kung may nararamdaman kang kakaiba at masaya habang lumilikha ka ng bawat salita at ilalabas sa isang papel gamit ang lapis na malayang magbubura ng maaari mong kamalian sa iyong sinusulat. Pero hindi mo maaalis ang ngiti sa iyo at iyon nga ang dahilan, masaya ka.

“Kasabay ng pagluha ko                                                                                                                   Ang pagtuyo ng mga dahon                                                                                                         Unti-unting nalalaglag ito,                                                                                                            Pagsapit ng dapit-hapon”

Kumirot sa sakit ang nararamdaman ko noong magsabi siyang iniibig niya ang matalik kong kaibigan.

Araw-araw, pare-pareho lang ang ginagawa ko. Uuwi. Iiyak. Kakain ng hapunan. Iiyak ulit. Matutulog. ‘Yung mga gawain kong dapat tatapusin ko ay sisimulan ko saglit pagkatapos ay iiwan ko na lang basta-basta. Sa ibang gawain naman ay hindi ako mapakali. Sa panahong iyon, hindi ko na alam ang ginagawa ko. ‘Ba’t ba kailangan maramdaman ko ‘to?’, iyan ang paulit-ulit na sinasabi ng isip ko.

Muli akong naglabas ng hinanakit sa pamamagitan ng lapis at papel. Kasabay ng paulit-ulit na pagtulo ng tubig sa aking mga mata at damdaming halo-halo at hindi maipinta.

Habang ako’y nagsusulat, bumabalik lang sa isip ko ang mga nangyayari. Doon ko rin naalala, simula noong una akong gumawa ng akda, doon pa lang ay una na akong nasaktan. Nabusog sa lait ang aking unang akda dahil sa akin. Dahil sa aking pinagsasasabi. Tinuring ko itong walang kwenta. Sinabi ko roon ang aking damdamin pero lingid sa aking kaalaman na ang bawat akdang ginagawa ko ay konektado rin sa akin. Dahil naroon ang puso at isip ko habang nililikha ko ang mga iyon.

Sunod-sunod ang mga pangyayari sa buhay kong nakakainis at nakakabwisit. Ngunit lahat iyon ay dinaan ko lang sa mga akda ko. Mas mabuti kasing doon lang ako maglabas ng sama ng loob kaysa sa iba. Doon, hindi ko naitatago ang nararamdaman ko.

Marami ulit ang dumating sa buhay ko na nagkaroon ako ng kapareho ng naramdaman gaya noong sa una. Ganun ulit ang nangyari. Kaya hindi na ‘ko ulit umasa.

Ngayon, sa tuwing nagsusulat ako. Mas unti-unti kong minamahal ang mga ginagawa ko. Lalo na ang mga akda ko. Dahil sa mga nagawa kong sulatin, tula at kung ano pa. Sa tingin ko’y napakilala ko pa ang sarili ko, bilang ako.

Ang Tasang laging nandiyan, Hanggang sa dulo ng Walang Hanggan

               Isang tasa na may mukha ng Angry Bird at pulang-pula sa mata ko.

               Simula noong elementary ako, wala akong ibang natanggap sa monita/monito ko kundi ang walang kamatayang… TASA. Ano ba gagawin ko sa mga tasang iyan? Puno na ang kusina namin ng tasa na puro pagmamay-ari ko. Hindi ko naman magamit ng sabay-sabay kaya mayroong pang-Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes, Sabado at Linggo. Hindi ko malaman kung bakit tasa ang laging naiisip na iregalo sa akin samantalang hindi naman ako mahilig uminom ng kape, gatas, tsokolate at kung ano pa.

               Noong isang taon nagbakasakali akong hindi na talaga tasa ang matanggap ko. Pero sa sobrang pagdadasal ko na sana hindi nga tasa ang makuha ko sa Christmas Party ay siya naming naulit. Sana hindi na lang ako nagbakasakali. Angry Bird pa at pula ang napili para sa akin. Nanggagalaiti pa naman ako sa hitsura ng cartoon character na iyon.

                Dahil sa hindi maaaring magreklamo, dinagdag ko na lang sa araw ng Linggo ang tasa. Ngayon naman ay mayroon ng pang-umaga, hapon at gabi. Nakakatuwa lang isipin at talagang nagmistulang koleksyon ko na ang mga tasa sa kusina. Iyon nga lang hindi ko naman hinihiling na kolektahin ang bagay na iyon.

                  Ngayong taon, nakipagpustahan ako sa matalik kong kaibigan. Sa darating na Christmas Party, ang kwento ng Tasa na naman ang bibida sa akin. Natatawa ako. Mukhang madadagdagan na naman ang koleksyon ko at madadagdagan ang mga gagamitin ko sa isang Linggo.

                   Ang buhay paulit-ulit lang. Hindi mo naman inaasam pero paulit-ulit mong natataggap. Siguro may paliwanag sa likod ng mga tasang natatanggap ko. Iyon nga lang, maraming lamok sa isip ko kaya hindi ko makita ang maaaring pliwanag doon. Kapag napatay ko na isa-isa ang mga lamok na ito, susubukan kong isipin ang mga bagay na maaaring may koneksyon sa walang kamatayang tasa ng buhay ko.

Trip ko, Trip mo, Trip nating lahat

                    Break. Paboritong oras namin kahit na hindi naman tinuturing na asignatura iyan. Ang taas nga ng grado ko pagdating diyan. Kaming lahat sa totoo lang. Break nga hindi ba? Break dahil makakapagpahinga ka. Break dahil kakain ka na naman. Break dahil may oras ka matapos ang mga takdang-aralin na dapat sa bahay ginagawa pero mas piniling maghabol ng oras habang nasa silid-aralan. Tipong hindi alam ang uunahin kung magbebreak ba siya o itutuloy ang pag-agaw buhay sa pag-gawa ng takda dahil sa sobrang dami.

                    Karaniwan kapag sasapit ang oras ng break, minsan hindi ako kumakain. Tinatapos ang gabundok na gawain. Kung hindi may tinatapos, nakikipagdaldalan muna bago maisipang kumain. Kung hindi nakikipagdaldan, naglilikot at nakikipagkilitian pa sa mga maimpluwensya kong kaklase na akala at titignan mo ay mga matitino pero kapag nakilala mo, malakas ang impluwensya na ibibigay sa iyo. Buti nga ganoon lang ang ginagawa ko. Hindi katulad ng iba na tatambay sa harap ng silid kasama ang ‘sweethearts’ nila. Natapos na ang dalawang break pero hindi pa naiisip na kumain at walang ginawa kundi sumama lang ng sumama sa jowa.

                    Si Pangs, kasama ko siya tuwing nagbebreak. Kadaldalan ko kahit na minsan nakakainis dahil text ng text. Minsan nakakalimutan niya na may kausap pala siya. Ngunit kahit na ganoon, buti na lang may nakakasama pa rin ako at araw-araw na naririnig ang paulit-ulit na pangasar sa akin ni Pangs na pumuputok na daw ako sa sobrang ‘fatty’ at wala daw akong ibang ginawa kundi kumain kapag naisipang kumain. Kapag nasimulan ko daw kagatan ang pagkain, masusundan pa iyan pagkatapos. Higit daw sa anim hanggang sampu ang isusunod kong pagkain. Grabe.

                   Hindi lang naman si Pangs ang ganyan. Marami sila sa totoo lang. Pero napapangiti ako sa mga hirit nila kapag ganyan ang sinasabi nila tungkol sa akin. Ang baboy ko na tignan pero kain pa rin ako ng kain. Sige na nga. Magdidiet na ako sa susunod na Linggo. Gaya ng sabi ko sa kanila, tatlong buwan ng nakakalipas.

                    Kapag break, parang klase lang iyan na walang nagtuturo. Pero kaibahan lang ay hindi sayang ang oras dahil nakalaan naman ito sa tama. Hindi talaga maaalis ang pagkakampihan naming lahat pagdating sa kalokohan katulad ng may pagtitripan. Tatawanan ang trip namin tawanan. Guguluhin ang bagay na kakaayos lang. Ganyan kami kaya walang basagan ng trip.

                     Break namin ngayon, ito ang ginawa ko. Napagtripan ko ang 1 whole pad ng kaklase ko kaya sinulat ko na ito. Kung sakaling makita niya akong gamit ko ito, walang basagan ng trip. Sinulat ko lang ang mga nakita kong kalokohan. Gaya nito.

Parang Tom and Jerry

                 Kakanta ako habang maingay ang paligid ng kwarto. Magulo ang ayos ng mga upuan. Nagkakalat ang mga kaklase ko sa loob. Mayroong mga naghahabulan para magtayaan. Ang iba ay nakahiga pa sa sahig habang nakasuot sa kanilang tenga ang naglalabas ng mga salitang ramdam na ramdam nila. Ang iba ay nakaupo lang sa kani-kanilang mga upuan at kung tititigan mo ay makikita mo ang mga hitsura nilang mukhang mga magsasaka dahil sa abalang-abala silang tapusin ang dapat tatapusin nila at hindi nagbalak na magpahinga. Basta’t nangingibabaw lang sa amin ay ngiti at tawa. Para kaming sina Tom at Jerry. Masaya si Jerry kapag wala si Tom.

                Ganito ang senaryo sa loob ng silid-aralan kapag walang guro na nagtuturo. Pareho lang naman sa sitwasyon ko kapag wala kaming guro sa harap. Lahat iyan ay nasubukan ko ng gawin. Kapag nalaman ng klase na walang magtuturo ay agad-agad na igugrupo ang mga sarili nila para magbigay ng ingay sa loob ng kwarto. Nakakainis. Nakakairita. Ngunit nalilito ako kung bakit nararamdaman ko iyan sapagkat kahit naman ako ay nakikipag-kampihan sa kanila at ginagawa rin ang kung anong mga ginagawa nila.

                 Kami ng matalik kong kaibigan ang minsan nagkakasama sa buong araw ng klase. Minsan nagkakahiwalay sa kadahilanang pareho kaming abala sa mga gawain. Kapag dumating ang oras na walang nakakatandang pupunta sa harapan ng klase, iniisip namin na walang mangyayari sa aming dalawa kung magtititigan lang kami sa loob ng isang oras at wala man lang kaming nakakausap na iba. Lalapit kami sa pinakamaingay na grupo at maglilikha na rin ng kaingayan. Pero kung hindi namin trip makihalubilo sa kanila, uupo na lang kami sa isang tabi at panonoorin na lang sila. Sasabay pa kami sa paghalakhak sa mga hirit ng mga dagang nagsasaya kapag wala ang mga pusa.

                 Maitatanggi ko ba sa karamihan na kapag wala ang mga guro namin sa klase ay hinihiling ko rin na sana wala na lang lahat ng guro namin sa buong araw? Halos lahat naman ng katulad ko, nahiling iyan. Kahit ang mga kaklase ko. Sobra ang ngiti nila kapag wala sila Ma’am at Sir. Papalakpak pa kasabay ng pagtalon nila sa tuwa. Damang-dama mo talaga kung gaano sila natutuwa na walang nagtuturo ng tama at mali sa amin. Walang nagtuturo ng 1+1 sa amin. Walang nagtuturo ng tamang tikas at tindig ng katawan sa amin. Wala. Wala lahat. Parang mas gusto nilang magsaya na lang at wala ng matutunan.

                   Ang buhay ng isang estudyante ay ihalintulad natin diyan sa walang nagtuturong guro sa klase. ‘Diba masaya? Walang iniisip na problema sa mga maaaring ipagawa sa kanila. Ngunit ang buhay ay may ipinapaliwanag. Masaya ka nga sa buhay mo pero wala ka namang natututunan. Parang iyan. Masaya ka na walang guro pero pagkatapos ng araw, wala kang napala. Wala ka ng nalalaman. Wala ka ng pinatutunguhan.

                    Ang buhay ko sa silid-aralan ko ngayon ay ganoon pa rin. Pumapalakpak at tumatalon-talon pa kapag wala sila. Isa lang naman ang nagbago sa akin at sa amin ngayon. Ang aralin ng mabuti ang dapat aralin at isipin ang mga bagay na dapat tapusin at hindi sinasayang ang isang oras na binigay na pagkakataon upang unahin ang dapat unahin.

Ang Kwento ng Papel

               Kapag hayskul, alam na alam na natin kung ano talaga ang gamit ng papel. Kapag ‘elementary days’, ang alam lang natin na ang papel ay sadyang pinagsusulatan lamang. Pero lingid sa ating kaalaman, ang papel pala ay sobrang halaga. Mahalagang-mahalaga upang panghawakan sa araw-araw nating pamumuhay.

              Mayroong kaganapan sa buhay hayskul ko na may kinalaman ang ‘1 whole sheet of pad paper’ ko. Bagama’t hindi ako madalas bumibili ng isang pad nito at nasanay ng kahihingi sa mga kaklase ko kahit na ilang beses na nanakot ang ‘teacher’ ko na kapag walang papel sa classroom ay walang grado, sadyang napapakinabangan ko rin naman.

               Isang beses nga ganito ang nangyari. Bumili ako ng isang pad sa kadahilanang natakot ako sa banta ng teacher ko. Pero ang pinagtataka ko, ilang araw na naman ang nakalipas at paulit-ulit lang nangyari ang paghingi ng iba kong kaklase ng papel sa mga kaklase kong may 1 whole pad, kasama na ako, pero hindi naman na sinisita ng teacher ko. Naisip ko rin, kung sa bagay, matanda na ang teacher ko at baka ulyanin na at nakalimutan na ang tungkol sa papel na mawawalan ng grado kapag walang sarili nito.

               Ngayon, noong mga sumunod na araw, hindi na ako bumili ng isang pad. Naiinis naman din ako dahil kung paulit-ulit akong bibili ng isang pad, paulit-ulit din akong mawawalan. Walang ibang ginawa rin ang mga kaklase ko kung hindi humingi ng humingi . Natatandaan ko pa nga, wala pang isang linggo, ubos na naman ang pad ko. Kaya bumalik ako sa dating gawi. Ang manghingi na lang.

               Noong sumunod na araw, nagkaroon kami ulit ng ‘quiz’. Wala na naman akong papel. Nanghingi ako sa mga kaklase ko ngunit walang nag-atubiling magbigay sa akin. Sa pagkakataong iyon, napansin ako ng teacher ko. Tinanong niya kung bakit wala na naman akong papel. Sabi pa niya, nakasanayan ko na talagang manghingi at wala talaga akong binalak na bumili ng sarili kong pad. Sumama ang loob ko ngunit hindi ko lang iyon pinahalata.

               Bakit kasi kapag wala akong papel lagi na lang niya akong napapansin? Pero kapag ang ibang kaklase kong walang sariling pad at patuloy ang paghingi sa iba, hindi niya naman sinasabihan at pinapagalitan ng ganoon.

               Natigil na lang ang sama ng loob ko noong kinausap niya ako,”Binago mo na nga ang sarili mo, binalik mo na naman sa dati. Hindi mo hinayaan ang sarili mo na maging halimbawa ng pagbabago.”

               Naisip ko na lang, kaya pala ako ang lagi niyang napapansin dahil alam niyang kaya ko ang magbago.

               Pinagkumpara ko sa totoong nangyayari sa buhay ko ang tungkol sa papel na iyon. Marami ang nagsasabing ibang-iba ang ugali ko. Hanggang sa maalala kong nakasakit din pala ako ng damdamin ng ibang tao dahil sa ugali kong iyon. Marami akong narinig na sinabe nila tungkol sa akin. Umabot sa puntong masiraan ako ng ibang tao. Sinubukan kong baguhin ang sarili ko at napansin lahat ng mga tao sa paligid ko. Ngunit nang dahil sa inaabuso ang pagbabago ko ng ibang tao, bumalik ako sa tunay na ugali ko noong unang makilala nila ako.

              Naalala ko ang sinabi ng teacher ko sa akin. Iyong mga katagang iyon ay sinabing muli ng mga tao sa paligid ko.

               Hindi nawala sa isip ko na sana sinunod ko ang teacher ko para kahit paano ay sobrang maliwanag sa akin at naimulat ang mata ko sa talagang nangyayari sa totoong buhay. Biruin mong nagsimula lang sa papel ang lahat?

               Napatunayan ko ngayon na ang tao ay talagang nagbabago. Bagama’t hindi nila nakikita noon pa man kung paano gawin ito, tiyak na may mga taong tutulong upang magawa natin ang bagay na ito.

               Ito ang isa sa mga hindi ko nakalimutan ngayong hayskul at alam kong dadalhin ko ang mga natutunan kong ito at maibahagi sa mga taong maaaring katulad ko.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.